KAWAYAN: Paghabi ng Mayamang Kasaysayan ng Bayan
Isinulat ni: Ashley Jodel T. Dumalag
May isang bayang marikit
Taglay na ganda'y kaakit-akit
Sa hilagang silangan ng lalawigan
Matatagpuan ang kaniyang hantungan
Isang munting bayang pinagpala
Dahil sa Diyos na dinarakila
Kaya naman itong mga mamamayan
Taglay pasasalamat na taimtiman
Ngunit upang lubos na maunawaan
Ang pagpapala rito sa munting bayan
Ating balikan ang kasaysayan
Na hinabi sa yaman nitong kawayan
Nagsimula bilang isang baryo
At ipinagpatuloy ang pagbuo ng kwento
Maraming dagok at pagsubok
Ngunit 'di kailanman nagpalugmok
Sa dakong timog at silangan
Ng noo'y pueblo ng Guilingan
Sa isang malawak na kagubatan
Mga maiilap na hayop, matatagpuan
Sa pusod ng kagubatan
Isang malaking puno, natagpuan
Napag-alaman bilang Calumpang
Na animo'y binabalot ng kahiwagaan
Mula noo'y nanirahan
Mga mamamayan ng karatig-bayan
Partikular na'ng mga taga-Daraitan
Maging ang mga karatig-lalawigan
Sa paglipas ng mga araw
Bagong umaga'y natatanaw
Ang noo'y mumunting baryo lamang
Sumibol ang pag-asang maging bayan
Calumpang ang unang ngalang bigay
Kaunlara't ganda ng buhay ang taglay
Sa pag-andap ng ilawang tinghoy, hindi kalaunan
Itong payak na baryo'y ipinagkamit na maging bayan
Sa loob ng isang taon lamang
Itong baya'y nagtamo ng bagong ngalan
Bilang pagpupugay ng mga mamamayan
Sa ina ng noo'y ulo ng Pilipinas nating hirang
Ngunit itong kasarinla'y 'di rin nagtagal
Animo'y nabalewala ang mga pagpapagal
Muling napasakop sa bayan ng Siniloan
Bumalik sa antas ng pagiging baryo lamang
Ang mga mamamayan ay hindi nasiyahan
Sa kalagayan ng pagiging baryo lamang
Kung kaya't sila ay nagharap ng kahilingan
Na siyang naging daan ng gantimpalang kasarinlan
Ang kaganapang ito ang nagbigay-daan
Sa pagpapatuloy ng panlipunang kaunlaran
Ang mga naninirahan ay nakipagtulungan
Sa pagbuo ng mga paaralan, bahay bayan at simbahan
Sa paglaganap ng kaunlaran
Dito sa munting bayan
Muling sinubok ng panahon
Pinatatag ng pagkakataon
Pumutok ang ikalawang digmaang pandaigdigan
Sa ganitong panahon, malagim ang kinasapitan
Ang payak at tahimik na bayan noon
Nabalot ng sindak nang dahil sa mga Hapon
Lumaganap ang karahasan at mga patayan
Ilan sa nabiktima ay itong mga mamamayan
Ngunit habang ang iba ay nakikihamok
May ilan ding mamamayan na sa Hapon nakilahok
At sa pagdating ng hukbong Amerikano
Walang pagsidlan ng buhay kahit sa mga puno
Kabi-kabila ang pagpatak ng mga bomba at pagputok
Na ang sa mga gusali ang siyang nakatupok
Matapos ang digmaan ay bakas ang kalungkutan
Kung ating mamamasdan ang kalagayan nitong bayan
Siyamnapung bahagdan nitong mga tahanan
Ay siyang naglaho na parang bula lamang
Sa matinding pagdarahop ng mga mamamayan
Paano nga ba muling sisimulan
Ang lahat ng yaman at mga ari-arian
Hindi basta-basta mababawing lubusan
Sa pagdaan ng mga taon ay naging pagsusumikap
Na muling maibangon ang bayang pinangarap
Mula sa mga guho ay nagtayong muli ng mga tahanan
Gayundin ang mga palayan na siyang pangkabuhayan
Sa gayong pagsusumikap ay siyang nakalinang
Sa puso't isipan ng mga mamamayan
Muling nakapagtatag ng mga paaralan
At nadagdagan pa ng mataas na dalubhasaan
Ang minsan nang sinubok ng panahon
Ngayo'y nagbibigay sa buhay ng hinahon
Mas lumaganap pa ang kaunlaran sa ngayon
Na ipinagpapatuloy ng kasalukuyang henerasyon
Sa paglipas ng mahabang panahon
Mas pinagyaman ang nakasanayan noon
Mga kultura at tradisyon
Patuloy na tinatangkilik ngayon
Sa kasaganahan ng mga kawayan
Nahabi ang mayamang kasaysayan
Na siya ngayong isinasalarawan
Sa iba't ibang mga larangan
Ngunit bakit tila naging palaisipan
Ang ngalan nitong bayan
Sa habi pa lamang ng mga kawayan
Tiyak na may mayamang pagkakakilanlan
Kahit na ang bayang ito ay mumunti pa lamang
Wangis nito'y anong karikitan
Yaman nitong taglay ay sadyang kahali-halina
Na siyang sanhi ng pagsibol sa tuwina
Apat na letra ang dito'y ipinangalan
Payak ngunit makabuluhan ang kasaysayan
Kaya sa lahat ng mga mamamayan
Sabay-sabay na ipagmalaki, FAMY, mahal nating bayan!
Comments
Post a Comment